“MAGSUMIKAP, maging matapang, at huwag sumuko.” Ito ang mindset ng bawat migrante pagdating sa pagkamit ng kanilang layunin sa ibang bansa. At hindi naiiba ang fashion model na si Chris Wycoco. Sa kanyang puspusang pagsisikap.
Abot-kamay na ni Chris ang pagkamit ng kanyang mga pangarap. Katulad ng ating mga kababayan na nasa US, siya rin ay umunlad. At ang kanyang pag-unlad ay naiiba sa karamihan. Siya ay nag-aral at nagtrabaho ng walang kapaguran at dahil dito, naitatag niya ang kanyang taxation company, ang Wycotax LLC.
Simple lang ang kUwento ni Chris. Siya ay ipinanganak sa Manila ngunit lumaki sa Nueva Ecija. Sa edad na 14, natutunan na niya kung paano kumita sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga paninda. Rito niya kinukuha ang kanyang allowance para sa kanyang pag-aaral at dahil dito, nahasa ang kanyang kakayahan sa pagnenegosyo sa murang edad. Ginawa niya ito hanggang sa matapos niya ang kanyang degree sa kolehiyo ng may karangalan.
Taong 2010 nang pumunta siya sa US para sa career advancement. Nakilala niya rito ang kanyang kasosyo sa negosyo, isang Certified Public Accountant at dito na nagsimula ang Wycotax LLC. Patuloy ang pag-asenso ni Chris. Siya ay aktibo sa mga pagtitipon tungkol sa negosyo at patuloy na tumatanggap ng mga parangal bilang isang businessman. At kahit pa namamayagpag si Chris sa US, hindi pa rin niya nakalilimutang pagbigyan ang mga special gathering invitations lalo na pagdating sa mga fashion show.
Si Chris ay isa ring fashion model at ilang beses na rin siyang nakarampa sa entablado. Isa rin siyang magaling na host kaya naman palagi siyang nagkakaroon ng mga show dito at sa ibang bansa. Excited na nga ang guwapong binata dahil siya ang itinalagang opisyal na host ng kilalang Miss Earth beauty pageant na gaganapin sa tatlong state sa Amerika ngayong Agosto—Washington, Oregon, at Colorado.
Siya rin ang opisyal na host ng America Excellence Award na gaganapin next month.
Si Chris ay isang philanthropist at layunin din niyang makatulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga online na negosyo sa mga Filipino. Naniniwala siya na ang internet ay makatutulong sa mabilis na pagpapalaganap ng mga negosyo sa buong mundo.
Handang ibahagi ni Chris ang kanyang talento at karunungan para makatulong sa mga Filipino rito at sa ibang bansa. Pupunta siya sa Pilipinas sa Setyembre para sa kanyang business, hosting, at modeling engagements at para na rin bisitahin ang kanyang pamilya at mga kaibigan.(MValdez)