NABUKO ng mga awtoridad ang hinihinalang isang kilong shabu sa candle jars at baking pan na nagkakahalaga ng P6.8 milyon kamakalawa ng hapon sa Las Piñas City.
Itinago sa mga garapon ng kandila at sa baking pan ang nasamsam sa isang lalaki na hinuli matapos ang isinagawang buybust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office ng National Capital Region sa Las Piñas City.
Kinilala ang suspek na si Bryan Castillo Hong, 39 anyos, at residente sa Unit 2B Block 10 Lot 8, panulukan ng Catmon St. at Rambutan St., Doña Josefa Village, Barangay Almanza Uno, Las Piñas City.
Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon ng mga awtoridad dakong 5:20 pm nitong 24 Hunyo 2023.
Matapos mabilhan ng hinihinalang shabu ang suspek agad pinasok ang bahay nito kung saan nakompiska ang 200 gramo ng shabu na nakakubli sa candle jars at 800 gramo sa aluminum baking pan.
Bukod sa ilegal na droga, kinuha rin ng mga tauhan ng PDEA ang isang timbangan, lighter, mga gunting , dalaang improvised tooter, isang cellphone at ang marked money at boodle money na ginamit sa buybust.
Isinailalim sa inquest proceedings ang suspek dahil sa paglabag sa Section 5 (drug pushing) at Section 11 (Illegal drug possession) ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (GINA GARCIA)