Arestado ng mga awtoridad ang tatlong notoryus na tulak at nakumpiska ang mahigit sa isang milyong pisong halaga ng shabu sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Dinalupihan, Bataan kamakalawa.
Mga operatiba ng Dinalupihan Municipal Police Station (MPS) ang nagkasa ng buy-bust operation sa Brgy. New San Jose, Dinalupihan, Bataan na nagresulta sa pagkaaresto ng tatlong tulak..
Kinilala ang mga ito na sina Carlo Unating, John Christ Cabato at Walter Isip na pawang mga residente sa nabanggit na barangay kung saan sila nagpupugad sa pamamahagi ng iligal na droga.
Sa ikinasang operasyon ay nakumpiska ng mga awtoridad ang pinaghihinalaang shabu na may timbang na humigit-kumulang sa 200 gramo na nakalagay sa isang pouch at tinatayang may halagang PhP1, 360, 000.00; isang 100 peso bill na marked money at isang Samsung cellphone.
Nahaharap ngayon ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002 na isasampa ng mga awtoridad sa korte.
Kaugnay nito ay pinapurihan ni PRO3 Director PBGeneral Jose Hidlago Jr., ang operating troops sa patuloy nitong kampanya laban sa iligal na droga na nakabatay sa BIDA program ng DILG. (Micka Bautista)