NAGING matagumpay ang operasyon ng pulisya nitong Martes, 14 Marso, nang maaresto ang isang notoryus na miyembro ng criminal gang na kumikilos sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, matagumpay na naisagawa ng mga tauhan ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) at Pulilan MPS ang paghahain ng search warrant sa Brgy. Poblacion, bayan ng Pulilan, sa nabanggit na lalawigan kung saan naaresto ang suspek na kinilalang si Francisco Amor, sangkot sa mga kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591.
Ayon sa ulat, kilala ang suspek bilang miyembro ng Zapata Robbery at Drug Group na kumikilos sa lalawigan ng Bulacan.
Narekober ng mga awtoridad sa pag-iingat ni Amor ang 10 pakete ng hinihinalang shabu, digital weighing scale, notepad, gunting, mga basyong pakete, at isang kalibre. 38 revolver, kargado ng apat na bala.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency, Regional Office 3 (PDEA-RO3), sa ilalim ng Search Warrant na inilabas ng Malolos City RTC Branch 80. (MICKA BAUTISTA)