NASAKOTE ang limang tao na naaktohan sa loob ng isang drug den sa ikinasang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Matain, Subic, Zambales, nitong Sabado, 11 Marso.
Sa ulat mula sa Philippine Drug Enforcement Agency, kinilala ang mga arestadong suspek na sina Roberto Javier, 58 anyos, drug den maintainer; Aljan Jawatan, alyas John Mohammad at Barang; Dante Manalili, 55 anyos; Rodrigo Yap, 58 anyos; at Ainal Munabbi, 30 anyos.
Nasamsam sa operasyon ang pitong piraso ng selyadong pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 15 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P103,500; sari-saring drug paraphernalia; at buybust money.
Isinagawa ang operasyon ng magkasanib na mga operatiba ng PDEA Zambales Provincial Office at ng lokal na mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)