Sa pinalakas pang police operation na ikinasa nitong Martes, 25 Pebrero, nasakote ang 20 kataong pawang may paglabag sa batas sa lalawigan ng Bulacan.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, isinagawa ang serye ng anti-illegal drug operations ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Meycauayan, Pulilan, Bulakan, at Marilao C/MPS na nagresulta sa pagkakadakip saw along personalidad sa droga.
Narekober mula sa mga suspek ang 18 pakete ng hinihinalang shabu, isang piraso ng nakarolyong tuyong dahon ng marijuana, sari-saring drug paraphernalia, at buybust money.
Dinala ang mga nakumpiskang piraso ng ebidensiya sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa pagsusuri habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa mga suspek.
Samantala, naaresto ang siyam na indibidwal na pinaghahanap ng batas sa patuloy na manhunt operations ng tracker teams ng Meycauayan, San Jose Del Monte, ng magkasanib na tauhan ng San Miguel, Bulacan 2nd PMFC at RMFB3, Calumpit, Doña Remedios Trinidad, magkasanib na tauhan ng Bulacan 2nd PMFC at San Rafael, CIDG, Guiguinto, at Marilao C/MPS.
Kasalukuyang nasa nasa ilalim ng kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station ang mga suspek para sa naaangkop na disposisyon.
Kasunod nito, nasukol din ng mga tauhan ng Balagtas MPS ang suspek na kinilalang si alyas Mar, 44 anyos, ng Brgy. Pasong Tamo, Tandang Sora, Quezon City, para sa paglabag sa RA 9262 at RA 10591 na naganap sa Brgy. Borol 1st, Balagtas kung saan nakumpiskahan siya ng isang kalibre 38 na rebolber na may siyam na bala, at isang folding knife.
Arestado din sina Onemig Guitterez, 22 anyos, ng Brgy. Minuyan Proper; at Agustin De Jesus, 25 anyos, ng Brgy. Lawang Pare, parehong sa lungsod ng San Jose del Monte, ng mga rumespondeng tauhan ng San Jose del Monte CPS para sa kasong Robbery na naganap sa Darwin Jewelry Shop, Brgy. Muzon, sa naturang lungsod kung saan narekober mula sa kanila ang mga ninakaw na kagamitang nagkakahalagang P150,000.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga angkop na kasong kriminal laban sa mga arestadong suspek na nakatakdang isampa sa korte. (Micka Bautista)