HIGIT na pinaigting ang anti-crime operations na ikinasa ng mga awtoridad at sunod-sunod na nadakip ang 13 katao, pawang may mga paglabag sa batas, sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Linggo ng umaga, 19 Febrero.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, kinilala ang mga suspek na sina Miguelito Reyes, Christian Marquez, at Charise-Zareth Gonzales, pawang mga residente sa Brgy. Duhat, sa bayan Bocaue na nadakip ng magkasanib na mga operatiba ng Bocaue MPS at SOU3, PNP DEG sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakompiska mula sa mga suspek ang kabuuanng pitong pakete ng hinihinalang shabu at buybust money na ginamit sa operasyon at dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa pagsusuri.
Gayondin, nadakip ng tracker teams mula sa Marilao MPS at Bulacan CIDG ang dalawang wanted persons na kinilalang sina Jun Versoza ng Brgy. Lambakin, Marilao, may kasong paglabag sa RA 9165; at Gelacio Valmocena ng Brgy. Pulo, San Rafael, may kasong Attempted Arson.
Samantala, sa maagap na pag-aksiyon ng San Miguel MPS, nadakip si Alex Azarcon ng Brgy. Sta. Cruz, Gapan, Nueva Ecija sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide; gayondin, nadakip ng Baliwag MPS si Joanar Martinez ng Brgy. Tibag, Baliwag sa kasong Theft; habang nasakote ng Malolos CPS sina Reniel De Leon at Ronnie De Leon, kapwa residente sa Brgy. Cofradia, Malolos sa kasong Theft.
Kasunod nito, inaresto ng mga tauhan ng Norzagaray MPS si Kurt Luis Bartolome ng Brgy. Pinagtulayan, Norzagaray dahil din sa kasong Theft; habang timbog sa San Ildefonso MPS si Bernard Santos at Rustan Pastrana, kapwa residente sa Brgy. Bulusukan, San Ildefonso sa kasong Frustrated Homicide, samantala nadakip ng Meycauayan CPS sina Vicente Enriquez ng Brgy. Tenejero, Candaba, Pampanga sa krimeng Reckless Imprudence Resulting in Homicide at Damage to Property.
Kasalukuyang ang mga arestadong suspek ay nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/police station habang inahahanda ang pagsasampa ng mga nararapat na kaso sa hukuman. (MICKA BAUTISTA)