NASAKOTE ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang lalaking naaktuhang nagbebenta ng mga pekeng sigarilyo sa ipinatupad na Oplan Megashopper sa Brgy. Malasin, bayan ng Sto.Domingo, sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Sa ulat mula kay CIDG Director P/BGen. Romeo Caramat, Jr., kinilala ang mga suspek na sina Francis Acosta at Christian Vengco, kapwa mula sa nabanggit na bayan.
Nadakip ang dalawang suspek bilang resulta sa buybust operation na ikinasa ng mga ahente ng CIDG Nueva Ecija PFU at iba pang PNP units habang ang mga piraso ng ebidensiya na tinatayang nagkakahalaga ng P360,000 nakumpiska mula sa kanila.
Nasamsam mula sa mga suspek ang marked at boodle money; mga pekeng Marlboro Red cigarettes; Modern Red cigarettes; Two Moon Blue cigarettes; Journey Red cigarettes; Farstar Gold cigarettes; Carnival Red cigarettes; Two Moon Green cigarettes; Modern White cigarettes; at Royal Red cigarettes.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art. 189 of RPC (Unfair Competition) at RA 8293 o Intellectual Property Rights.
Pahayag ni Caramat, “Ang inyong CIDG ay walang humpay sa pagpapatupad ng aming mga kampanya laban sa kriminalidad upang tuluyang wakasan ang mga ilegal na aktibidad at papanagutin ang mga kriminal.” (MICKA BAUTISTA)