DEDBOL ang 35-anyos electrician na hinihinalang nagpasabog ng granada at nadamay ang kaniyang mga kainuman, sa Makati City kamakalawa ng gabi.
Hindi umabot nang buhay sa Ospital ng Makati (OSMAK) ang biktimang si John Al Javier, ng Block 348, Lot. 9, Leek St., Barangay Pembo, Makati City.
Nasa malubhang kondisyon sa ospital si Junnie Boy Duhay-Lungsod Dizon, 36, binata, ng Blk. 348, Lot. 10, Brgy. Pembo, Makati City.
Iniulat na sugatan pero nasa ligtas na kalagayan sina Ronnie Rivas Mamayabay, 38, binata, maintenance, ng Blk. 348, Lot. 9 Corn Flower St., Brgy. Pembo, Makati City; at Jay-Ar Ardeño, 34, ng Levy Mariano St., Brgy. Ususan, Taguig City.
Ayon sa ulat ng Makati City Police Station, dakong 9:50 pm nitong Sabado, 11 Febrero, nangyari ang pagsabog sa Blk. 348, Lot. 9, Corn Flower St., Brgy. Pembo, Makati City.
Patuloy na iniimbestigahan ang insidente ni P/MSgt. John Robert Baligod, dakong 10:30 pm.
Bandang 3:00 am, kasama ang Makati Explosive and Ordnance Division at Makati Forensic Unit, nakita ang metal fragments ng sumabog na granada at ang nagkalat na human tissues.
Batay sa pahayag ng saksi na si Miguel Santos Cruz, 57, ng Block 348, Lot 10 Corn Flower St., Brgy. Pembo, Makati City, bago ang pagsabog, dakong 3:00 pm, kasama siya ni Javier sa loob ng bahay.
Sinabi nito, habang naroon siya at narinig nang pagsabihan ang asawang si Zenaida Javier, na magpalit ng damit bago magpunta sa kapitbahay para magsugal ng tong-its.
Nagsimula ang inuman ng dalawa dakong 4:30 pm hanggang nakita ng saksi na may kinuhang hand grenade si Javier mula sa loob ng isang speaker at itinago sa kaniyang katawan.
Dakong 7:30 pm, sinabihan ni Javier ang saksi na tawagin ang tatlo pang kaibigan.
Dumating ang tatlo at nakainuman din nila, habang nag-iihaw ng isda ang saksi, kinausap siya ni Javier na hawak ang granada, kung sasama siya sa pagpapakamatay o may papatayin lang siya, dahilan upang magpasya na lamang na umuwi ng bahay ang saksi para maghapunan.
Nang paalis na patungo sa bahay ang saksi sinundan siya ni Javier at pinipilit na sumama siya sa plano, pero hindi siya pumayag at pumasok ng bahay.
Nang bumalik at makauwi sa bahay si Javier doon nakarinig ng malakas na pagsabog ang saksing si Cruz. (GINA GARCIA)