NASAKOTE ng mga awtoridad ang dalawang Nigerian nationals matapos tangkaing magbenta ng ilegal na droga sa isang police poseur buyer sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga, nitong Sabado, 28 Enero.
Kinilala ni PRO3 Regional Director P/BGen. Cesar Pasiwen ang mga suspek na sina Chekwbe Nnamani Sunday, alyas David, 28 anyos, kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Dau, Mabalacat, Pampanga; at Ifeanyi Augustine Chinweuba, alyas Fanny, 33 anyos, kasalukuyang naninirahan sa Sampaloc, Maynila.
Nadakip ang dalawang suspek matapos tangkaing bentahan ng ilegal na droga ang isang alagad ng batas na nagpapanggap na buyer sa buybust operation na magkatuwang na ikinasa ng mga operatiba ng City Intelligence Unit, Angeles City Drug Enforcement Unit, at Police Station 3, Angeles CPO sa isang mall terminal sa Brgy. Pulung Maragul, sa nabanggit na lungsod.
Nakompiska mula sa mga dayuhang suspek ang dalawang plastic bag na tinalian ng goma; dalawang medium-sized heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu, may timbang na 250 gramo at inatayang nagkakahalaga ng P1.7 milyon; at P1,000 marked money, at P9,000 boodle money.
Ani P/BGen. Pasiwen, patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung may kaugnayan ang mga suspek sa West African Drug Syndicate (WADS). (MICKA BAUTISTA)