NABUKO ang isang Vietnamese national matapos isumbong ng Grab driver sa drug delivery na naaresto nang tanggapin ang isang package na naglalaman ng ilegal na droga sa ikinasang entrapment operation, sa Barangay San Lorenzo, Makati City, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Nguyen Luong Hai, 30 anyos, naipagharap ng reklamong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) nakapiit sa Makati City Police Station.
Ayon sa ulat, dakong 7:30 am kamakalawa, 1 Enero 2023, nang idulog ng Grab delivery rider na si Oscar Dichoso Coronel Jr., sa Station Investigation and Detective Management Office ng Makati City Police Station ang nadiskubre niyang ipinadedeliber na pulang eco bag na naglalaman ng ilegal na droga.
Sinabi nito, ang pulang eco bag ay ipina-book at kinuha niya sa isang babae at lalaki, paang Vietnamese national sa Lerato Tower sa Malugay St., Barangay Bel-Air, Makati City.
Tinanong niya umano ang dalawa kung ano ang laman ng package ngunit hindi nakatugon ang dalawa kaya naisipan niyang beripikahin kaya natukoy niyang ilegal na droga.
Isinagawa ang entrapment sa taong tatanggap ng package dakong 8:05 am sa harap ng Island Tower Condominium sa panulukan ng Salcedo St. at Benavidez St., Brgy. San Lorenzo, Makati City.
Laman ng eco bag ang isang kahon ng face mask na may kasamang sigarilyo at isang plastic na hinihinalang isang gramo ng shabu, may katumbas na halagang P6,800 at isang rose gold na iPhone XS Max. (GINA GARCIA)