NAGING mapayapa ang pagsalubong sa Bagong Taon ng ating mga kababayan sa Metro Manila na maituturing na “generally safe and peaceful.”
Ipinagmalaki ni National Capital Region Police Office o NCRPO Regional Director P/MGen. Jonnel Estomo, zero ang major incident o minor firecracker-related incident lamang ang naitala, ibig sabihin walang sugatan mula sa stray bullets, wala rin naitalang indiscriminate firing.
Aniya, malaki ang naiambag dito ng kanilang matagumpay na pagpapatupad ng “Ligtas Paskuhan 2022” sa ilalim din ng programang SAFE NCRPO kaya nabawasan ang mga krimen sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong taon.
Sinabi ng NCRPO chief, naging epektibo ang kanilang ginawang maagang preparasyon sa paghahanda sa holiday season para sa kaligtasan ng mamamayan.
Inihalimbawa nito ang pagbabawal sa paggamit at pagbebenta ng firecrackers at pyrotechnics sa National Capital Region (NCR).
Pito ang nahuli ng mga awtoridad sa paglabag sa firecrackers ban, at illegal discharge of firearms.
Tinatayang aabot sa P1,208,710 ang nakompiska ng mga awtoridad sa ipinagbabawal na paputok sa Kalakhang Maynila. (GINA GARCIA)