ISANG Chinese national at dalawang katropang Pinoy ang dinakip ng mga operatiba ng Parañaque City Police dahil sa paggamit ng mga pekeng dokumento para mailabas ang mga na-impound na sasakyan mula sa isang towing services, sa follow-up operation, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Dakong 10:30 pm nang mahuli sa Eddie Boy Compound, Brgy. San Isidro, Parañaque City ang mga suspek na sina Wen Zhang, 35, Chinese national; Bernard Guevarra, 47; at Billy Macanan, 45 anyos.
Base sa ulat, isinumbong ng biktimang si Jerry Dela Peña, 55 anyos, negosyante, ang mga suspek na gumamit ng mga pekeng dokumento para mai-release ang isang Mitsubishi Pajero.
Agad ikinasa ang follow-up operation nang kompirmahin ng biktima na dalawang sasakyan mula sa NJP Towing Services ang na-impound dahil sa traffic violations noong Enero 2022 ang ginamitan din ng mga pekeng release order na pinalabas na inisyu ng Paranaque Traffic Bureau, may petsang 4 at 16 Nobyembre 2022.
Nakuha ang isang gray 2018 Mitsubishi Montero, may plakang DAJ 8860 sa Woodville Residence, Brgy. Merville, Parañaque at isang sleek ecru metallic 2011 Lexus sedan, may plakang PIR 118 sa Old Nayong Filipino Complex, Pasay City.
Nasa Parañaque City police detention facility ang mga suspek para sa imbestigasyon. (GINA GARCIA)