KALABOSO ang isang pasaherong babae nang arestohin sa pagbabayad pekeng P1,000 bill sa taxi driver sa Taguig City, kamakalawa ng umaga.
Nakadetine sa Taguig City Police Station ang suspek na kinilalang si Elizabeth De Roxas, 40 anyos.
Batay sa reklamo ng taxi driver na si Jeffrey Andrino, 39 anyos, sumakay ang suspek sa kaniyang taxi sa Malibay St., Pasay City at nagpahatid sa Gate 3, Chino Roces Extension, Barangay Fort Bonifacio, sa Taguig.
Nagbigay ng P1,000 si Roxas nang bababa na at hinihingi ang sukling P850. ibinalik ni Andrino ang pera dahil naghinala siyang peke ito.
Nagtungo ang babae sa isang convenience store para magpapalit ngunit bigo siya kaya binalikan ng suspek ang driver at pilit na ibinabayad ang pera na nauwi sa pagtatalo.
Humingi ng tulong sa Taguig City Police Sub-Station 1 ang driver dahilan upang arestohin ang babae dahil sa umano’y pekeng pambayad.
“Atin pong pinaaalalahanan ang ating mga kababayan na siyasating mabuti ang perang tinatanggap para hindi mabiktima ng mga pekeng salapi. Tingnan natin ang security features ng totoong pera, tulad ng security thread at watermark. Lalong-lalo na ngayong kapaskohan, marami na naman ang maglalabasang pekeng pera at masasamang loob na magsasamantala sa paggamit nito,” paalala ni Southern Police Distric (SPD) Director, P/BGen. Kirby John Kraft. (GINA GARCIA)