TIWALA ang Department of Tourism (DOT) na patuloy na mangunguna ang Filipinas sa mga bansang nais puntahan ng mga dayuhang turista sa kabila ng mga hamon ng kalamidad na kinakaharap ng bansa.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco sa kanyang pagdalo sa World Travel Market (WTM) 2022 sa London, napakarami ang maaaring maipagmalaki ng ating bansa.
Sa Filipinas aniya mahahanap ang tatlo sa nangungunang 25 pinakamagagandang isla sa mundo
— ang Cebu, Palawan, at Siargao.
Sa Filipinas makikita ang isa sa 50 Best Places of the Year ng Time Magazine — ang Boracay.
Bukod dito, mayroong mga kahanga-hangang Subterranean River sa Palawan, Chocolate Hills sa Bohol, pati na rin ang lahat ng iba pang magagandang beach sa Filipinas na isinama bilang isa sa 40 Best Countries sa mundo.
Dagdag ni Frasco, napili ang Filipinas bilang Asia’s Leading Dive Destination, Asia’s Leading Beach Destination, at Asia’s Leading Tourist Attraction.
Ang mga kompanya sa Filipinas mula sa travel and tours, hotel, and dive sectors ay dumalo sa event ng World Travel Market (WTM) 2022 na ginaganap sa London taon-taon kung saan hinihikayat ang malalaking pangalan sa sektor ng paglalakbay na bisitahin ang Filipinas. (GINA GARCIA)