ISANG LIBONG rekrut sa layuning baguhin ang Bureau of Corrections (BuCOR).
Kasabay ng ika-117 anibersaryo ng Bureau of Corrections (BuCor) ngayong araw, Lunes, 7 Nobyembre, magsasagawa ng job fair para sa 1,000 bakanteng puwesto.
Ayon kay BuCor, officer-in-charge Gregorio Catapang, Jr., may 1,000 bakanteng trabaho ang nakahanda sa bureau para sa ‘new blood’ sa organisasyon na magsisilbing ‘nucleus’ ng ahensiya.
Ang mga nakapasa sa civil service examinations ay inananyayahang mag-aplay.
“Pagtulungan natin na baguhin itong BuCor,” ani Catapang sa panayam ng Teleradyo.
Dagdag ng opisyal, ang values na natutuhan sa Philippine Military Academy (PMA) ang dapat itanim sa mga tauhan ng ahensiya.
“Imagine one thousand ‘yan, ‘yan ang magiging nucleus ng pagbabago sa BuCor,” aniya.
Kaugnay ito sa mga nabubunyag na iregularidad sa loob ng national penitentiary.
Ibinulgar ni Catapang na ang nakuhang higit 7,000 beer in cans at iba pang kontrabando ay naipapalusot umano papasok sa Maximum Security Compound ng NBP, sa pakikipagsabwatan ng BuCor personnel at Bureau of Jail Management and Penology officers. (GINA GARCIA)