NAGSANIB-PUWERSA ang iba’t ibang grupo ng pederasyon ng Tricycle Operators Drivers Association (TODA) mula National Capital Region (NCR) at Nueva Ecija.
Ito’y upang ipakita at maiparating ang kanilang mga hinaing sa kinauukulan sa pag-iwan sa kanila sa ere ng namumuno sa Pasahero PartyList na si Robert Nazal, Jr.
Kinokondena ng grupong TODA ang pagpayag ng Comelec na makapanumpa si Nazal, Jr., bilang kinatawan ng Magsasaka Partylist gayong ang dinadala at pinamumunuan nito ay ang natalong pasahero PartyList noong nakaraang eleksiyon.
Ang grupo ay kinabibilangan ng walong presidente ng TODA NCR, at 26 presidente ng TODA federation mula sa Nueva Ecija.
Ayon kay George Alcantara, lumapit si Nazal sa kanilang grupo sa NCR upang humingi ng suporta sa dinadala nitong Pasahero PartyList at pumayag naman ang kanilang grupo sa pag-aakala na makatutulong si Nazal sa kanilang samahan.
Ipinagtataka ng grupo ni Alcantara kung bakit siya naging kinatawan ng ibang grupo gayong ang dinadala nito ay ang natalong Pasahero PartyList.
Panawagan ng grupo, maging patas ang Comelec kung sino ang karapat-dapat mamuno sa isang partyList na kumakatawan sa kongreso at tunay na makapagbibigay ng tulong sa tulad nilang mahihirap. (GINA GARCIA)