KALABOSO ang isang hinihinalang miyembro ng robbery group nang itimbre ng concerned citizen na naglalabas ng baril sa isang mataong lugar, sa Taguig City, Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) acting director Kirby John Kraft ang suspek na si Henry Sanoria, 39 anyos, sinabing miyembro ng Bobby Arao Robbery Group, responsable sa serye ng mga insidente ng robbery-holdup sa Taguig, Makati, Pasig, Muntinlupa at Meycauayan, Bulacan.
Nahuli si Sanoria matapos makatanggap ng tawag sa telepono ang Taguig police mula sa miyembro ng Barangay Intelligence Network hinggil sa isang lalaking may hawak ng baril sa Purok 7, PNR Site, FTI Compound, Barangay Western Bicutan.
Agad nagtungo sa lugar ang mga intelligence operatives ng Taguig police at mga elemento ng Western Bicutan Substation.
Nang tumungo sa lugar, namataan ang isang lalaking may nakaumbok sa beywang habang nakasakay sa motorsiklo.
Nang kapkapan ay nakuha ang isang kalibre .38 revolver na may kargang tatlong live ammunition.
Walang naipakitang mga dokumento ng baril at maging ang sinasakyang motorsiklko ay walang naipresintang katibayan na pag-aari ng suspek.
Nang isagawa ang beripikasyon ng Investigation Detective Management Section (IDMS), natukoy na na-karnap ang motorsiklo noong 6 Setyembre.
Sasampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) o illegal possession of firearms and ammunition, at paglabag sa RA 10883 (New Carnapping Act of 2016). (GINA GARCIA)