NAGTIPON ang daan-daang Bulakenyo sa Sitio Kupang, Brgy. San Nicolas, sa bayan ng Bulakan, lalawigan ng Bulacan nitong Martes, 30 Agosto, upang ipagdiwang ang ika-172 anibersaryo ng kaarawan ni Gat Marcelo H. Del Pilar, ang tinaguriang “Dakilang Propagandista” sa pag-aalsa ng Filipinas laban sa kolonyal na paghahari ng mga Kastila.
Magkakasamang pinangunahan nina Gob. Daniel Fernando, Bise Gob. Alexis Castro, Kong. Danilo Domingo (Bulacan 1st District), Bulakan Mayor Vergel Meneses ang programa ng paggunita na sinimulan ng panalangin ni Rev. Fr. Javier Joaquin.
Hinimok ni Kong. Domingo ang makabagong Plaridel sa henerasyon ngayon na maging parehas at responsableng mamamahayag.
Kinikilala si M.H. Del Pilar bilang “huwaran” ng mga Filipinong mamamahayag.
Taon-taong ginugunita ng mga Bulakenyo tuwing 30 Agost0 ang kabayanihan, pagkamakabayan, at pagsasakrapisyo ni Del Pilar na iniwan ang marangyang pamumuhay bilang abogado at piniling mamuhay bilang malayang mandirigma sa pamamagitan ng pluma sa pag-aalsa ng bansa laban sa Espanya.
Noong 1882, itinatag ni Del Pilar ang Diariong Tagalog at sumulat ng iba’t ibang polyetos laban sa kaparian tulad ng Dasalan at Tocsohan, at Caiingat Cayo.
Sumama siya kay Jose Rizal at sa iba pang Filipino na nakatira sa Europa kung saan nila sinimulan ang Reform Movement laban sa kolonyal na paghahari ng mga Kastila.
Ipinanganak si M. H. Del Pilar sa Bulakan, Bulacan. Siya ay sinuspendi sa Universidad de Santo Tomás at ibinilanggo noong 1869 matapos makipag-away sa isang pari dahil sa mataas na bayad sa binyag.
Noong 1880’s, pinalawak niya ang kanyang anti-friar movement mula Malolos hanggang Maynila.
Nagpunta siya sa Espanya noong 1888 matapos ilabas ang kautusan na ipatapon siya.
Labindalawang buwan matapos siyang dumating sa Barcelona, pinalitan niya si López Jaena bilang editor ng La Solidaridad. (MICKA BAUTISTA)