NASAGIP nitong Sabado, 27 Agosto, ng mga awtoridad ang isang menor de edad na babae mula sa kanyang nobyo sa lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan na naunang iniulat na nawawala.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Cresenciano Cordero, Jr., hepe ng San Jose del Monte CPS, katuwang ang mga kawani ng City Social Welfare and Development Office, natagpuan ang dalagitang hindi pinangalanan sa bayan ng Cabuyao, lalawigan ng Laguna.
Sa pamamagitan ng social media, unang iniulat ang pagkawala ng dalagita na nagdulot ng labis na pag-aalala sa kanyang pamilya at maging sa netizens.
Sa maagap na pagkilos ng mga tauhan ng San Jose del Monte CPS ay natuklasang sumama ang dalagita sa kanyang nobyo sa Cabuyao, Laguna.
Mula Laguna, ligtas na nakuha ng mga awtoridad ang menor de edad saka ibinalik sa kanyang mga magulang sa San Jose del Monte.
Paalala ng mga awtoridad sa mga magulang, bantayan ang kani-kanilang mga anak at kilalanin ang mga nagiging kaibigan at mga nakakasalamuha, at makipag-ugnayan agad sa pulisya kung may mga nalalamang krimen. (MICKA BAUTISTA)