NADAKIP ang isang pinaniniwalaang pusakal na tulak sa ikinasang buy bust operation sa lungsod ng Olongapo, lalawigan ng Zambales, ng pinagsanib na puwersa ng Olongapo City Police Drug Enforcement Unit, Olongapo City Mobile Force Company (CMFC), at OCPO Police Station 5 (PS5), sa pamumuno ni P/Lt. Dennis Gruspe, kasama ang SOU3 PNP Drug Enforcement Group sa ilalim ng buong pangangasiwa ni Acting City Director P/Col. Carlito Grijaldo nitong Sabado, 27 Agosto.
Ayon kay P/Lt. Gruspe, huli sa aktong nakikipagtransaksiyon ang isang alyas Banong na binilhan ng nagsilbing poseur buyer ng isang sachet ng hinihinalang shabu gamit ang P500 marked money.
Nakompiska sa pag-iingat ng suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu, may timbang na limang gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P43,000; at marked money.
Kasalukuyang nananatili ang suspek sa CPDEU custodial facility habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article II ng RA9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002 sa tanggapan ng Olongapo City Prosecutor’s Office.
Pinuri ni Acting City Director P/Col. Grijaldo ang mga nabanggit na operatiba ng OCPO para sa mahusay na trabaho, at sinabing ipagpapatuloy ng kanyang tanggapan ang walang patid na pagsisikap upang puksain ang lahat ng uri ng ilegal na droga sa Olongapo. (MICKA BAUTISTA)