HINDI nagawang ilusot ng limang pinaniniwalaang mga tulak ang ipupuslit sanang shabu nang maaresto ng mga awtoridad sa lungsod ng Malolos, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes ng gabi, 22 Agosto.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Ferdinand Germino, hepe ng Malolos CPS, kinilala ang limang suspek na sina Reynaldo Taborao, Gerald Trapane, Rodimar Senipe, pawang mga residente ng Bagong Silang, Caloocan; Ivan Martin at Christian Ryan Recto, kapwa mga residente ng Brgy. Caingin, Malolos.
Magdamag na trinabaho ng mga tauhan ng Malolos CPS ang galaw ng mga suspek na sinasamantala ang pagbuhos ng ulan upang magkalat ng shabu sa lungsod ngunit hindi nakalusot sa mga nakaalertong pulis.
Nabatid, mga dayong tulak ang tatlong suspek na galing sa Bagong Silang, Caloocan at posibleng saluhin ang mga dalang hinihinalang shabu ng dalawang tulak na taga-Malolos na silang magkakalat sa lalawigan.
Nahaharap ngayon ang mga arestadong suspek sa mga kasong paglabag sa Section 5, 11 at 25 Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002.
Ayon kay Germino, ang pulisya ng Malolos CPS ay patuloy na magsasagawa ng mga operasyon laban sa ilegal na droga at mapanatili ang kaayusan ng lungsod. (MICKA BAUTISTA)