NATAGPUAN ang mga bangkay ng isang babae at isang lalaki sa bahagi ng NIA farm road sa Brgy. Camias, sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes ng umaga, 22 Agosto.
Sa ulat, nakatanggap ang San Miguel MPS ng tawag sa telepono na nagsasabing mayroong nakitang mga bangkay sa nabanggit lugar kaya agad nagpunta ang mga awtoridad.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang katawan ng isang babaeng may suot na pulang kamiseta at short pants, nakatakip ng face mask ang mga mata na binalutan ng masking tape, habang ang lalaki ay nakasuot ng checkered na long sleeves at jeans.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ng San Miguel MPS sa pakikipagtulungan ng Alabat MPS ng lalawigan ng Quezon kinilala ang mga biktimang sina Henry Fullante, 47 anyos; at Margiecel Beninson, kapwa mga residente sa nabanggit na bayan.
Ayon kay Mary Rose Fullante, hipag ni Henry, umalis sina Henry at Margiecel sa kanilang isla noong 16 Agosto upang dumalo sa hearing sa RTC Branch 17 sa bayan ng Gumaca para sa kaso ni Henry na paglabag sa RA 9165 at Sec. 11 ng RA 9165.
Aniya, ang huling komunikasyon nila ay noong Biyernes, 19 Agosto, dakong 6:00 pm at sinabing magpapalipas sila ng gabi sa isang hotel sa Gumaca at plano nilang umuwi sa isla noong Sabado, 20 Agosto.
Mula noon ay wala na siyang narinig na balita sa dalawa kaya nag-verify siya kung nakadalo sa nasabing iskedyul ng hearing ang mga biktima na natuklasang hindi pala.
Hanggang kahapon, Lunes, nakatanggap siya ng balita mula sa vlogger post na may natagpuang dalawang bangkay sa San Miguel, Bulacan.
Dito siya humingi ng tulong sa Alabat MPS na nakipag-ugnayan sa San Miguel MPS hanggang nang ipakita sa kanya ang mga natagpuang bangkay, ay positibo niyang kinompirma na sila ay kanyang bayaw at ang kinakasama.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang follow-up investigation ng mga tauhan ng San Miguel MPS para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek. (MICKA BAUTISTA)