ni Manny Alcala
TATLO katao ang napatay, kabilang ang isang babaeng Japan-based overseas Filipino workers (OFWs) nang pagbabarilin ng hindi kilalang gunman kahapon ng madaling araw sa Taguig City.
Kinilala ng pulisya ang mga napaslang na sina Marie Angelica Belina, 25, isang overseas Filipino worker (OFW); Mark Ian Desquitado, 35 Grab driver; at Tashane Joshua Branzuela, 22, estudyante.
Isinugod ang biktimang si Branzuela sa Taguig-Pateros District Hospital pero idineklarang dead-on-arrival sanhi ng tama ng bala sa parte ng kanyang katawan.
Naganap ang insidente dakong 3:20 am sa loob ng isang transient house sa Brgy. Fort Bonifacio, Taguig.
Sa inisyal na imbestigasyon, ayon sa testigo, nakarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril sa labas ng bahay at doon nakita ang mga biktima na duguang nakabulagta habang si Belina, nasa gate ay may tama ng bala sa katawan na agad niyang ikinamatay.
Pinaghahanap ng mga tauhan ng Taguig police ang tumakas na suspek at isa sa anggulong sinisiyasat ang love triangle, hinihinalang motibo ng krimen. (May kasamang ulat ni GINA GARCIA)