BINAKLAS ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga tauhan ng San Jose Del Monte CPS ang isang makeshift drug den kasunod ng kanilang ikinasang buybust operation sa Brgy. Kaypian, lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes ng gabi, 16 Agosto.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina John Bryan Cordova, 33 anyos, ang drug den maintainer; Glayza Cordova, 33 anyos; Jon Jon Biasora, 34 anyos; at Raymark Biasora, 29 anyos, pawang mga residente ng Phase 4A, Palmera, Brgy. Kaypian, sa nabanggit na lungsod.
Narekober mula sa mga suspek ang limang selyadong pakete ng plastic ng hinihinalang shabu na may timbang na 13 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P65,000; sari-saring drug paraphernalia; at buybust money.
Napag-alamang ang mga arestadong suspek ay magkakapamilya at ginawang hanapbuhay ang pagtutulak at pagpapakalat ng shabu sa naturang lugar.
Inahahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) na isasampa laban sa mga suspek sa korte. (MICKA BAUTISTA)