MATAPOS ang may 20 taong pagtatago, tuluyan nang naaresto sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan ang isang puganteng may kasong pagpatay sa Region 8.
Sa ulat na ipinadala ni P/Lt. Col. Ferdinand Germino, hepe ng Malolos CPS, kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang nadakip na puganteng si Cordio Arcinal, 60 anyos, residente ng Brgy. Belen, Carigara, Leyte.
Nabatid na may standing warrant of arrest laban sa suspek para sa kasong murder na walang itinakdang piyansa na isinilbi sa kanyang tinutuluyang bahay sa Brgy. Matimbo, sa naturang lungsod.
Napag-alamang naganap ang pagpatay ng akusado sa biktima noong taong 2000 sa Leyte at naglabas ang korte ng warrant of arrest noong 2002 kaya siya naitalang Top 2 Regional Most Wanted Person ng PNP Region 8.
Ayon kay P/Col. Cabradilla, patuloy ang kapulisan sa Bulacan na tugisin at papanagutin sa batas ang mga wanted person sa pakikipagtulungan ng mamamayan at mga lokal na opisyal. (MICKA BAUTISTA)