BIGO ang dalawang pinaniniwalaang notoryus na tulak na mailusot ang ibibiyahe sana nilang shabu nang maaresto ng mga nakaalertong pulis sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 15 Agosto.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Ferdinand Germino, acting chief of police ng Malolos CPS, kinilala ang dalawang nadakip na suspek na sina Zaldy Feliciano, ng Angeles, Pampanga; at Ramon Santos ng Malolos, Bulacan.
Naaresto ang mga suspek ng mga tauhan ng Malolos CPS at PDEG sa ikinasang buybust operation sa Brgy. Tikay, sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na tinangka ng dalawa na magpasok ng 25 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P175,000 sa lungsod subalit natiktikan ng mga awtoridad.
Kasalukuyan nang nakakulong sa Malolos CPS Jail ang dalawang suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 26 ng RA 9165 o Comprehnsive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay P/Lt. Col. Germino, hindi titigil ang kapulisan ng Malolos CPS sa paglaban sa ilegal na droga sa pakikipag-ugnayan sa LGU sa pamumuno ni Mayor Christian Natividad. (MICKA BAUTISTA)