PINANGUNAHAN ng Bulakenyong Senador at Senate Majority Leader Emmanuel “Joel” Villanueva, kasama sina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gob. Alexis Castro, ang pagdiriwang ng ika-444 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan sa Bulacan Capitol Gymnasium, sa lungsod ng Malolos, nitong Lunes, 15 Agosto.
Sa temang “Katatagan ng mga Bulakenyo, Hiyas ng Nagkakaisang Pilipino,” nagsimula ang programa sa pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng Bulakenyong bayaning si Gat Marcelo H. Del Pilar sa harapan ng gusali ng Kapitolyo na sinundan ng Banal na Misa sa loob ng gymnasium.
Inilunsad ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang panandang pamana sa harapan ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center na idineklarang mahalagang yamang pangkalinangan sa bisa ng Kapasiyahan Blg. 019 – T’2022 kaugnay ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Inimbitahan ni Fernando ang mga Bulakenyo na ipagdiwang ang anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan sa pamamagitan ng paglingon sa mayaman nitong kultura at kasaysayan.
“Apat na raan at apatnapu’t apat na taon na ang nakararaan, itinatag ang ating dakilang lalawigan. Simula noong araw na iyon, patuloy pa ring dinadala ng mga Bulakenyo ang pangalan ng ating minamahal na bayan sa rurok ng tagumpay. Marapat lamang na ipagbunyi natin ang mahalagang araw na ito sa ating kasaysayan,” anang gobernador.
Samantala, sa bisa ng Proclamation No. 19 na pinirmahan ni Executive Secretary Victor Rodriguez at Seksyon 14 ng Panlalawigang Kautusan Blg. C-004 o ang “An Ordinance Enacting the New Provincial Administrative Code of Bulacan” idineklara ang 15 Agosto 2022 bilang isang special non-working day sa buong lalawigan.
Hudyat ang Bulacan Foundation Day ng simula ng isang buwang pagdiriwang ng Mother of All Fiestas ng lalawigan, ang Singkaban Festival. (MICKA BAUTISTA)