NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang pinaniniwalaang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy bust operation sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo ng madaling araw, 14 Agosto.
Inaresto ng magkasanib na mga operatiba ng Bocaue MPS, SOU3 at PNP DEG sa isinagawang buy bust operation ang suspek na kinilalang si George Orquiola, Jr., residente sa Brgy. Taal, sa nabanggit na bayan, na kumagat sa ikinasang pain ng mga awtoridad sa harap ng Bocaue Public Market dakong 2:01 am kahapon.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, nasamsam mula sa suspek ang dalawang pakete at isang regular size ng plastic ice bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 50 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P340,000; isang sling bag; at marked money.
Nabatid na madaling araw kung bumiyahe ng ilegal na droga ang suspek upang makaiwas sa mga awtoridad ngunit hindi nakalusot ang kanyang taktika sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. (MICKA BAUTISTA)