NADAKIP ang apat na pinaniniwalaang malalaking drug peddlers sa patuloy na pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, nakompiskahan ng mahigit P2.1 milyong halaga ng shabu sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa mga lalawigan ng Pampanga at Bulacan.
Nagkasa ang magkasanib na mga elemento ng Mabalacat CPS Drug Enforcement Unit at RPDEU3 ng buy bust operation sa Brgy. Dau, Mabalacat, Pampanga na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlo sa mga suspek na kinilalang sina Nympha Compahinay, 50 anyos; Renato David, alyas Rene, 58 anyos; at Visitacion Ornido, alyas Bising, 47 anyos.
Nasamsam mula sa mga suspek ang isang nakataling pakete ng plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 250 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P1,700,000; P1,000 buy bust money; dalawang body bag; isang digital weighing scale; P1,200 cash; at dalawang cellphone.
Samantala, naaresto ang isa pang suspek na kinilalang si Enmark Mirano, 35 anyos, ng mga elemento ng Bulacan PDEU/PIU-Bulacan PPO sa ikinasang buy bust operation sa Brgy. Poblacion, Guiguinto, nakompiska mula sa suspek ang 14 selyadong plastic containers na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na 60 gramo, at tinatayang nagkakahalaga ng P408,000.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)