UMABOT ng may kabuuang 252 bag ng dugo ang nakolekta sa pamamagitan ng programang Mobile Blood Donation sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health at sa pakikipagtulungan ng Central Luzon Center for Health Development- Regional Voluntary Blood Services Program at Damayang Filipino Movement, Inc. na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium, sa lungsod ng Malolos, nitong Sabado, 30 Hulyo.
Magbebenipisyo sa mga nakolektang dugo ang mga Bulakenyong may mahigpit na pangangailangan sa dugo mula sa mga pampubliko at pribadong ospital sa lalawigan.
Personal na pinasalamatan nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro ang mga nagbigay ng dugo para sa kanilang kabayanihan na maaaring magligtas ng maraming buhay.
Ilan sa mga grupo na nagbigay ng dugo ang Philippine National Police-Bulacan, Kabalikat, Ulirang Ina, BHW Federation of Bulacan, Triskelion De Bulacan Provincial, 304th Army Reservist, Civil Security Unit, Provincial Civil Security and Jail Management Office, mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, at Pulo ng Iilan Masonic Lodge No. 439.
Bahagi ang programa ng pagdiriwang ng National Blood Donor’s Month sa lalawigan ng Bulacan. (MICKA BAUTISTA)