ARESTADO ang isang lalaking matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad dahil sa pag-iingat ng mga baril at sa ipinatupad na search warrant sa kanyang bahay sa Brgy. San Mateo, sa bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan, nitong Biyernes, 29 Hulyo.
Ipinatupad ang search warrant dakong 7:40 am ng mga tauhan ng CIDG Bulacan katuwang ang Norzagaray MPS sa Sitio Compra, sa naturang barangay.
Ikinasa ang operasyon kaugnay sa “Paglalansag Omega” (Campaign against Loose Firarms) na nagresulta sa pagkakasukol sa suspek na kinilalang si Eduardo Rayo, alyas Eddie Boy.
Narekober sa isinagawang paghahalughog sa bahay ng suspek, isang unit na Para Ordinance Cal. 45 pistol; pitong piraso ng bala para sa Cal. 45 pistol; isang pirasong magazine assembly para sa Cal. 45 pistol; isang unit ng Cal. 38 revolver; limang pirasong bala para sa Cal. 38 revolver; at isang kahong walang laman para sa mga bala ng Cal. 22.
Inaalam ng mga awtoridad kung ang naarestong suspek ay miyembro ng grupong gun for hire o ano mang sindikato na kumikilos sa lalawigan.
Kasalukuyan nang nakadetine ang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms. (MICKA BAUTISTA)