HINDI nakalusot ang apat na dayong tulak na nagpunta pa sa Bulacan upang magbenta ng shabu nang madakip sa magkakahiwalay na anti-drug operations ng pulisya sa lalawigan hanggang noong Sabado, 30 Hulyo.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang unang suspek na si Norhata Hassan, residente sa Brgy. Bulihan, Silang, Cavite, naaresto sa ikinasang buy bust operation ng magkasanib na mga elemento ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU), Malolos CPS, at SOU3-PDEG sa Brgy. Bulihan, Malolos, Bulacan dakong 9:15 pm nitong Biyernes.
Dinakip ang suspek matapos magbenta ng nakapaketeng plastik ng hinihinalang shabu sa isang undercover police.
Nakompiska mula sa kanya ang timbangan, pouch, 11 pakete ng hinihinalang shabu, may timbang na halos 70 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P476,000; buy-bust money.
Kasunod nito, nasukol rin ang tatlo pang suspek na kinilalang sina Faisal Lawanza, Faisal Rampa, at Makakna Makaangon, pawang mga residente sa Fairview, Quezon City sa anti-illegal drug operation na isinagawa ng mga operatiba ng Bulacan PIU-PDEU katuwang ang mga tauhan ng Guiguinto MPS at SOU3-PDEG sa Brgy. Sta. Cruz, Guiguinto, Bulacan.
Narekober mula sa mga suspek ang 14 pakete ng shabu, may timbang na 60 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng P408,000; at marked money.
Samantala, nadakip rin ang 10 indibiduwal sa iba’t ibang anti-illegal drug operations ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga police stations ng Balagtas, Bulakan, Malolos, San Rafael, at San Jose del Monte katuwang ang mga tauhan ng CDEU, SOU3 at PDEG.
Nakompiska mula sa mga suspek ang kabuuang 23 pakete ng hinihinalang shabu, isang bloke at tatlong pakete ng tuyong dahon ng marijuana, kaha ng sigarilyo at buy bust money.
Dinala ang mga suspek at nasamsam na mga ebidensiya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa pagsusuri habang inihahanda ang pagsasampa sa kanila ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)