ISA-ISANG naaresto ng pulisya ang siyam na pusakal na tulak ng iligal na droga sa anti-illegal drug operation na isinagawa sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat mula kay Police Colonel Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, ang mga elemento ng PIU-PDEU Bulacan PPO, SOU3-PDEG, Bulacan 1st PMFC at San Jose del Monte CPS ay nagkasa ng buy-bust operation sa Brgy. Kaypian, SJDM City kung saan nagpupugad ang apat na pusakal na tulak.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkaaresto kina Jeson Bergado y Mon alyas ‘Jack’, 32-anyos; Veronica Magano y Marquez, 41-anyos; Alvin Arcquello y Javier, 26-anyos; at Jovelyn Tan y Marquez, 23-anyos.
Narekober na ebidensiya sa mga suspek ang mga selyadong pakete ng plastic ng shabu na may timbang na 60 gramo at tinatayang may halagang Php408, 000.00, baril na kargado ng bala, beltbag at weighing scale.
Kasunod nito, sa isinagawang follow-up buy-bust operation na ikinasa sa Brgy. San Manuel, San Jose del Monte City ay nagresulta sa pagkaaresto ng limang personalidad sa droga.
Kinilala ang mga ito na sina Junail Mangcol y Ysop alyas “Urak/Junail”, 27-anyos; Justito Borillo Jr. y Rodriguez, 28-anyos; Ryan Verzosa y Ladica, 23-anyos; Naim Tominaman y Acraman, 18-anyos; at Dumarpa Mamangcao Jr. y Yusop, 31-anyos.
Nakumpiska sa kanila ang mga selyadong pakete ng plastic ng shabu na may timbang na 60 gramo at tinatayang ang halaga ay aabutin ng PhP408, 000.00, coin purse at dalawang pirasong P1,000.00 na buy-bust money. (MICKA BAUTISTA)