Nagwakas ang mahabang panahong pagtatago sa batas ng isang babaeng may kinakaharap na kasong estafa matapos madakip ng mga awtoridad sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 19 Hulyo.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, nagsanib puwersa ang tracker team ng San Jose del Monte CPS, mga elemento ng 2nd PMFC Bul PPO, 301st MC RMFB-3, PHPT Bulacan at 3rd SOU-Maritime sa inilatag na manhunt operation laban sa suspek na kinilalang si Catherine Tamondong, residente ng Brgy. Gaya-Gaya, sa nabanggit na lungsod
Inaresto si Tamondong sa bisa ng Warrant of Arrest para sa dalawang bilang ng kasong paglabag sa BP 22 o Bouncing Check Law.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Jose del Monte CPS ang suspek para sa nararapat na dokumentasyon bago i-turn over sa korte na nag-isyu ng warrant of arrest.
Gayundin sa ikinasang anti-drug buybust ng pulisya sa Brgy. Sta. Cruz II Area D sa lungsod, nadakip ang suspek na kinilalang si Roberto Bañez alyas Boyet, residente ng nasabing barangay kung saan nasamsam mula sa kanyang pag-iingat ang anim na sachet ng hinihinalang shabu at marked money.
Samantala, nasukol ang limang indibidwal na may paglabag sa batas sa pagresponde ng mga tauhan ng pulisya ng Guiguinto, Marilao, Plaridel at San Jose del Monte.
Kinilala ang mga nadakip na sina Alvin Ureta ng Brgy. Tuktukan, Guiguinto para sa kasong Arson; Jice Jice Bautista ng Brgy. Corazon, Calumpit para sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Physical Injuries; Edwin Caballero ng Brgy. Lambakin, Marilao para sa kasong Frustrated Homicide; Raymond Lascano alyas Negro ng Brgy. Muzon, San Jose del Monte para sa Direct Assault at Resistance & Disobedience to an Agent of Person in Authority; at Jonard Borbe ng Brgy. Kaypian, San Jose del Monte para sa kasong Frustrated Murder.
Inihahanda ng mga awtoridad ang naaangkop na mga kasong kriminal na nakatakdang isampa laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)