NAKAHINGA nang maluwag ang mga residente sa isang barangay sa bayan ng Guiguinto, sa lalawigan ng Bulacan nang mahuli nitong Linggo ng hapon, 17 Hulyo, ang buwayang nakikita nilang gumagala sa isang ilog.
Nabitag ang buwaya dakong 2:00 pm kamakalawa sa ilog ng Sityo Tabon, Brgy. Malis, sa nabanggit na bayan na ayon sa mga residente ay matagal na nilang nakikita sa naturang barangay.
Nagdulot ito ng takot sa mga residente na nasa tabi ng ilog na kadalasan ay inaabot ng baha lalo kapag high tide.
Kapag tumataas ang tubig sa naturang barangay, nabatid na sakmal ng takot ang mga residente sa pangambang umahon sa kanilang mga bahay ang buwaya.
Dahil dito, bumuo ang lokal na pamahalaan, sa pamumuno ni Mayor Agay Cruz, ng Oplan Buwaya Rescue and Recovery Team sa pakikipagtulungan ng Municipal Environment and Natural Reources Office (MENRO), Municipal Agriculture Office (MAO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at sa pakikiisa ng mga opisyal ng barangay.
Matapos mahuli ng mga residente, dinala ang buwaya sa Biodiversity Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang matiyak na ligtas ito. (MICKA BAUTISTA)