SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MARAMI ang humanga sa magandang pagkakalatag ng unang istoryang isinulat ni Quinn Carillo na idinirehe ni Bobby Bonifacio Jr, ang Tahan.
Ang psycho-thriller film na Tahan ay pinagbibidahan nina Cloe Barretto, JC Santos, at Jacklyn Jose.
Sa private screening ng Tahan, puring-puri ang pelikula dahil sa napakahusay na ipinakitang pag-arte ni Jaclyn lalo iyong confrontation scenes nila ni Cloe. Marami rin ang nagulat sa unexpected twist ng kuwento na talaga namang ikinaloka ng mga nanonood nang gabing iyon.
Hindi naman nagpahuli si Cloe kay Jaclyn na umaming sobrang kinabahan dahil idol niya ang magaling na aktres. Naka-deliver at nakipagsabayan si Cloe kay Jaclyn na gumanap na kanyang ina.
Kaya naman hindi napigilan ni Cloe na magpasalamat nang sobra-sobra sa mga ksamahan niya sa pelikula gayundin kay Quinn at sa kanilang direktor.
“Sobrang saya ko kasi hindi ko po ine-expect. Pero ang ganda po kasi ng story kung nabasa n’yo po. And ‘yun nga, naiiyak ako kasi ang ganda,” ani Cloe.
Sinabi rin ni Cloe kung gaano siya kinabahan sa mga eksena nila ni Jaclyn kaya nga pinayuhan siya nitong kumalma.
“Noong una po kasi talagang kinakabahan ako. Parang siya lang po ang nagpakalma sa akin na chill lang daw dapat kasi, naaano po ako, nape-pressure ako, sobrang galing niya po and idol ko po kasi si Ms Jaclyn. Kaya ‘yun po, kinakabahan po ako sa mga scene namin,” sambit pa ni Cloe.
Marami naman ang nadesmaya sa mga naghihintay ng lovescene nila ni JC dahil wala iyon.
Katwiran ni Cloe, “Nagmakaawa na nga po ako, pati si direk Bobby na lagyan kahit kaunti,’” natatawang sabi pa ni Cloe.
Sa kabilang banda true to life story pala ang Tahan. “Hindi naman po ito a personal story of mine but I really got this from a person I knew. So, I would not drop name but 11 years old siya na ibinenta siya ng nanay niya for a very low price because her mom is an addict. So, kilalang-kilala ko personally and even the lines ni Ms Jane (Jacklyn) na ‘yung nanghihingi ng pera.
“I knew people like these na ‘yung mga parent nila ganito makapag-demand ng pera sa mga anak nila. Just because you don’t know someone like these doesn’t mean na they don’t exist. So, gusto kong ipakita sa mga tao na there’s people like these kaya inilagay ko sa story na ito.”
Mapapanood ang Tahan sa Vivamax sa July 22 na ipinrodyus ng 3:16 Media Entertainment at Mentorque Productions.