NADAKIP ng mga awtoridad ang lider ng Salvador Criminal Group at tatlo niyang tauhan matapos ang isinagawang search warrant sa lungsod ng Gapan, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Biyernes, 15 Hulyo.
Sa ulat mula kay PRO3 Regional Director P/BGen. Matthew Baccay, isinilbi ng mga operatiba ng Gapan CPS, 303rd RMFB 3, 4th Maneuver Pltn 1st PMFC at RDEG SOU3 ang search warrant na inisyu ni Executive Judge Elenita N. Evangelista-Casipit, Gapan City RTC laban sa suspek na kinilalang si Marlon Savador, 37 anyos, residente sa Purok 1 Brgy. Mahipon, sa lungsod, para sa kasong paglabag sa RA 10591.
Naaktohan ng operating team si Salvador at tatlo niyang tauhan na kinilalang sina Richard Ising, 40 anyos; Arnel Morales, 29 anyos; at Raymond Morales, 38 anyos, habang nasa kainitan ang pot session.
Nakompiska mula sa sa mga suspek ang iba’t ibang klase ng baril at bala gayondin ng selyadong pakete ng plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Si Salvador ang itinuturong lider ng notoryus na Salvador Robbery Group na sinasabing konektado rin sa ilegal na droga at nakatala bilang high value individual at kabilang sa top 10 drug personalities sa rehiyon. (MICKA BAUTISTA)