I-FLEX
ni Jun Nardo
NAWALAN na ng pag-asa ang Kapuso Dream Prince na si Ruru Madrid na ipagpatuloy ang kanyang showbiz career dahil sa sunod-sunod na aberyang dinanas bago nasimulan ang Kapuso adventure series niyang Lolong.
Eh taong 2019 pa huling nagbida sa isang GMA series si Ruru kaya nabuhayan nang dumating ang Lolong.
Pero bago ito nagsimula, “Nagkaroon ng covid, binagyo ang set namin, naaksidente ako. Natakot na hindi matutuloy ang project.
“Sinabihan akong magdasal at huwag mawalan ng pag-asa. Salamat sa Ama, nagtuloy-tuloy ang ‘Lolong’ at matapos ang halos tatlong taon, ipalalabas na!” pahayag ni Ruru sa mediacon ng Lolong.
Isang buwaya ang kasangga ni Ruru sa Lolong at sa plug, lutang na lutang ang ganda ng katawan at kakisigan niya.