MARAMI ang nagsasabing magandang foundation sa isang magandang relasyon ang pagkakaibigan. Pero paano maipahahayag ang pagmamahal sa isang kaibigan kung maraming aspeto ang pumipigil? ‘Yun bang hindi yata umaayon ang universe.
More or less ganito ang itinatakbo ng bagong romantic Pinoy film na Ngayon Kaya (opening in theaters on June 22) na pinagbibidahan nina Paulo Avelino at Janine Gutierrez na talaga namang maraming kilig at meaningful moments ang pinagsaluhan.
Ginagampanan ni Paulo ang karakter ni Harold, isang mahiyain na mahilig sa musika. Si AM naman si Janine, outspoken na tulad ni Harold ay mahilig din sa musika. College friends sina Harold at AM na dahil nga sa mahilig sa musika ay naging mag-band. Super close sila pero hindi nagkaroon ng pagkakataong mauwi iyon sa isang romantic relationship bagamat gusto nila ang isa’t isa. Marami kasing balakid na nakakaloka.
Minsan napag-usapan ng dalawa ang ukol sa pagliligawan at doon nalaman ni AM na hindi naniniwala si Harold sa dating.
“Hindi ba puwedeng yung natural lang… Yung magkaibigan muna kayo tapos ‘di ba kapag swak na kayo, eh, di kayo na,” katwiran ni Harold.
Bagamat mga linya ito ni Harold more or less eh ito rin pala ang pinaniniwalaan ng aktor.
“My point of view is the same as Harold’s,” ani Paulo. “I definitely do not believe in courtship or dating.”
Kasi raw esplika ni Paulo, “There’s magic in friendship where you don’t have to put up so many walls. You don’t have to put your best foot forward. So it’s nice knowing the genuine person, and for the other person knowing the genuine you before you both jump into a relationship.”
Bagamat hindi pa umaamin o ayaw pang aminin ng dalawa ang tunay na estado ng kanilang relasyon hindi maikakaila ng dalawa na nakabuo sila ng magandang pagkakaibigan. One good friendship na nagsimula noong 2017, na lumago at naging maganda ang pagsasama dahil sa sunod-sunod na proyektong pinagsamahan nila tulad nitong Ngayon Kaya at ang teleseryeng Marry Me, Marry You.
Pero matagal na palang nagawa nina Paulo at Janine itong Ngayon Kaya na nai-shoot nila bago pa ang pandemic.
Ang pelikulang Ngayon Kaya na idinirehe ni Prime Cruz at isinulat ni Jen Chuaunsu ay unang in-offer kay Paulo kaya naman nang ialok na kay Janine ay kaagad napa-oo ang dalaga.
“When I got the script (of Ngayon Kaya) and found out that Pau signed on, sabi ko, ‘Oh my God, game si Paulo!’ So I know maganda talaga ang script kasi I know he’s choosy when it comes to work. I love all his films,” esplika ng aktres.
Aminado rin naman si Paulo na prodyuser din ng pelikulang ito na nakapanood na siya ng mga pelikula ni Janine bago pa nila gawin ang Ngayon Kaya. “I’ve seen her in ‘Elisse’ and ‘Babae at Baril’… I noticed she gets out of her way to look for nice roles. I could see that she is someone who is hungry to feed her craft,” sambit ng aktor.
Ang Ngayon Kaya ay produced ng T-Rex Entertainment at co-produced ng WASD Films. Tampok din dito sina Alwyn Uytingco, John James Uy, Donna Cariaga, Haley Dizon, at Ms. Rio Locsin. (MVV)