SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
INAMIN ni KZ Tandingan na na-shock siya nang malaman ang paghihiwalay ng kanyang malalapit na kaibigang sina Moira dela Torre at asawa nitong si Jason Marvi Hernandez.
Sa pakikipag-usap namin kay KZ sa grand launch ng pinakabagong reality talent search na Top Class: The Rise to P-Pop Stardom noong Linggo sa Glorieta Activity Center Makati City, sinabi nitong nalungkot siya.
Anang Asia’s Soul Supreme, “Siyempre sad kami, kasi both naman sila mga kaibigan namin. Huwag na po siguro natin sila pag-usapan kasi siyempre, ano naman po nila ‘yun, eh. Kumbaga, when we keep on talking about it, that doesn’t help them heal.
“But yes, nalungkot kaming lahat sa nangyari, but let’s just give them time para makapag-isip at maka-cope sila sa mga nangyari,” dagdag pa ni KZ na isa sa magiging mentor ng 30 contestants na maglalaban-laban para sa titulong Ultimate Top Class P-pop Idol. Ang tatlo pang makakasama niya sa show ay sina Shanti Dope (Rap mentor) at Brian Puspos (Dance mentor).
Naurirat din kay KZ kung nagka-usap na ba sila ni Moira, at sinabi nitong, “Actually po, hindi ko siya kinukulit about it, eh. I just always tell her na nandito lang ako. Kukumustahin ko siya, ganyan-ganyan.
“For sure, lahat ng tao tinatanong siya about it, so I don’t think it would help her na ‘yung mga taong nasa paligid niya ay kutkot nang kutkot ng sugat na gusto na niyang mag-heal, ‘di ba?
“Kung ikaw may pinagdaraanan ka, gusto mo na lang mawala muna, kasi, ‘di ba, hindi ka na nga makapag-concentrate roon sa personal matters, sa nangyari, marami pang mga ibang tao na nakikisawsaw at nakikialam,” sambit pa ng magaling na singer.
Samantala, muling inihayag ni KZ ang excitement sa pagiging mentor ng Top Class. Nasabi niya sa amin noong unang makausap si KZ na looking forward siya sa kung ano ba ang maibabahagi niya sa 30 contestants habang dumaraan sila sa iba’t ibang challenges na ipagagawa sa kanila.
At noong Linggo, ipinakilala na sa entertainment media ang 30 napiling “estudyante” na ngayon pa lang ay may kanya-kanya nang hukbo ng supporters base sa dami ng nanood sa event.
Ang 30 estudyante ay kinabibilangan nina Dean Villareal, Bulacan; EL Mendoza, Batangas; LX Reyes, Bulacan; Justine Castillon, Cavite; Kim Huat Ng, Bacolod; Harvey Castro, Bataan; Joshuel Fajardo, Kuwait; Gilly Guzman, Quezon City; Kenzo Bautista, Bulacan; Seb Herrera, Laguna; Denver Dalman, Cebu; Francis Lim, Caloocan; Trick Santos, Caloocan; Jascel Valencia, Manila; Tanner Jude, Quezon City; Jon Laureles, Spain; Clyde Garcia, Ilocos; Matt Cruz, Bicol; Timothy Tiu, Quezon City; Brian Zamora, Makati City; Jeff Cabrera, Cebu; Roj Concepcion, Bulacan; Jai Gonzales, Mandaluyong; Chase Peralta, Katipunan; Dave Bono, Tondo; Ash Rivera, Baguio; JC Dacillo, Bulacan; RZ Condor, Cebu; Niko Badayos, Bacolod; at Gab Salvador, Batangas.
Iprinisinta rin sa event ang magiging host ng reality show na ipinrodyus ng Cornerstone Entertainment na si Miss Universe 2018 Catriona Gray kasama ang mga co-host niyang sina Albie Casino at Yukii Takahashi.
Nagbigay kasiyahan naman ng hapon na iyon ang mga P-pop group na alaga ng Cornerstone, ang VXON at G22.
Mapapanood na ang Top Class: The Rise to P-Pop Stardom simula June 18 sa Kumu (daily streaming) at sa TV5(tuwing Sabado).