GUMAWA ng kasaysayan si Salvador “Ador” Pleyto bilang kauna-unahang kinatawan ng bagong distrito sa lalawigan ng Bulacan.
Iprinoklama si Pleyto na nanalong kongresista sa ikaanim na distrito ng Bulacan na sumasaklaw sa mga bayan ng Angat, Norzagaray at Sta. Maria.
Nagsilbi si Pleyto bilang undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong 2005 sa ilalim ng liderato ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Mula sa datos ng Comelec, sa 368 election results ay nakakuha si Pleyto, tumakbo sa ilalim ng partidong PDP Laban, ng botong 81,307 laban sa mahigpit niyang katunggali na si Fred Germar, tumakbo sa partidong Aksiyon Demokratiko, at dating alkalde ng bayan ng Norzagaray na nakakuha ng botong 76,430.
Lima ang naglaban sa pagkakongresista ng bagong distrito ngunit higit na nangibabaw sa kanila si Pleyto.
Samantala, sa mga bayang nasasakupan ng naturang distrito, pormal nang naiproklama bilang mga nanalong alkalde sina Omeng Ramos sa Sta.Maria; Merlyn Germar sa Norzagaray; at Jowar Bautista sa Angat. (MICKA BAUTISTA)