MAHIGIT sa 1,000 tricycle operators at drivers sa Bulacan ang nagsagawa ng province-wide ride bilang pagsuporta sa presidential at vice presidential tandem nina Ferdinand Marcos, Jr., at Davao City Mayor Sara Duterte.
Ang nasabing okasyon, tinawag na “Sabayang TODA Ride for BBM and Sara,” ay iniorganisa ni San Jose Del Monte City Rep. Florida P. Robes, lantarang sumusuporta sa Marcos-Duterte tandem at una nang nangako ng “overwhelming win” para kina Marcos at Duterte sa lungsod ng San Jose Del Monte ngayong May 9 polls.
Higit sa 1,000 kasapi mula sa iba’t ibang Tricycle and Operators Drivers Associations (TODA) sa Bulacan ang lumahok sa okasyon na isinagawa sa 24 siyudad at munisipalidad sa buong lalawigan ng Bulacan na kinabibilangan ng SJDM, Norzagaray, Angat, San Miguel, San Ildefonso, Baliuag, Bustos, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Malolos, Hagonoy, Paombong, Guiguinto, Bulakan, Balagtas, Bocaue, Sta. Maria, Pandi, Marilao, Meycauayan, at Obando.
Siniguro ng bawat TODA sa mga lumahok na siyudad at munisipalidad na nakilahok ang lahat ng kanilang mga kasapi na lumikha ng mahabang pila ng mga tricycle sa mga pangunahing kalsada.
Nagpahayag si Robes ng lubos na pasasalamat sa matagumpay na kaganapan at sinabing ito ay pagpapakita ng tunay na pakikiisa at suporta sa panawagan para sa pagkakaisa ng BBM-Sara tandem.
“Here in Bulacan, there is a big support for BBM and Sara and it is our way to show that especially to their call for unity. I am glad to support this endeavor because this is also my way of showing my support to their call and the call of every Filipino behind their tandem,” pahayag ni Robes.