NAREKOBER ng mga awtoridad ang mahigit sa P1,000,000 halaga ng hinihinalang shabu at tinatayang may timbang na 150 gramo sa isinagawang buy bust operation sa lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Biyernes, 22 Abril.
Ayon kay P/Col. Jess Mendez, acting police director ng Nueva Ecija PPO, nagkasa ang mga tauhan ng Cabanatuan CPS ng anti-illegal drug buy bust operation sa Brgy. Bantug Bulalo, sa nabanggit na lungsod na humantong sa pagkaaresto sa suspek na kinilalang si Arnold Palioc, 40 anyos, dayo sa lugar at residente sa Brgy. Suklayin, Baler, Aurora.
Nakompiska mula sa suspek ang mga selyadong pakete ng plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 150 gramo, may DDB value na P1,020,000; at P1,500 marked money.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na inihahanda para ihain sa korte. (MICKA BAUTISTA)