SUMANG-AYON ang netizens sa gabay na sinusunod ni Partido Reporma presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson hinggil sa hindi niya paglalagay ng deadline at sa halip ay isagawa na lamang ang matalinong pag-aksiyon sa mga pangako para sa bayan.
Tinanong kay Lacson sa pinakahuling presidential debate na inorganisa ng CNN Philippines nitong Linggo, kung gaano kabilis na mararamdaman ng taongbayan ang epekto ng kanyang pamumuno kung siya ang magiging ika-17 pangulo ng Filipinas.
Sagot niya, “Una, hindi ako naniniwala sa deadlines but on my first day in office, I will sign a waiver of my rights under the Bank Secrecy Act. That will set the tone of my presidency.”
Sinabi ni Lacson sa mga nakalipas na presidential interview na hindi niya kailangang pilitin na magtakda ng deadline para sarili dahil mas nais niyang pagplanohan at isagawa nang maayos ang kanyang mga gagawing hakbang para itaguyod ang isang mabuting pamahalaan.
Mataas na kalidad ng serbisyo publiko imbes bara-barang implementasyon ng mga programa at proyekto ang nais na ipatupad ni Lacson dahil naniniwala siya na sa ganitong pamamaraan kahit na walang deadline, tagumpay ang magiging resulta ng kanyang mga polisiya.
Umani ng mga papuri sa mga netizen ang mithiing ito ni Lacson. Marami ang napa-tweet na aprub na aprub sa kanila ang naging pahayag ng presidential bet ng Partido Reporma.
“When Ping Lacson said ‘hindi ako naniniwala sa deadlines,’ I felt that,” ayon kay Grage (@jeydee007).
“Feel ko tama si Lacson when he said ‘ako, hindi ako naniniwala sa deadline,’ sabi ni ghislaine’s year (@great_fayerhaps).
“First of all, ‘hindi ako naniniwala sa deadline.’ Gagawin ko [nang] life motto ‘to. Thank you, Sen. Lacson,” post din ni @beauteousjigguk.
Bagama’t tila ginawa itong dahilan ng mga kabataan, lalo ng ilang mga estudyante, para magbiro sa hindi nila pagpapasa sa tamang oras ng ilang mga requirements sa eskuwela, hindi ito ang konteksto ng pahayag ni Lacson.
Ayon sa Partido Reporma chairman, dapat panatilihin ang pagiging maagap at matalino sa pagresolba ng iba’t ibang mga hamon o suliranin kahit hindi binibigyan ng deadline o takdang araw para isagawa ito.
Ganitong katangian din kasi ang ipinamalas niya bilang lingkod bayan simula sa pagiging sundalo, hepe ng pulisya, at maging sa Senado. Pinangungunahan niya ang pag-aksiyon nang walang publisidad sa media at pakikinig sa hinaing ng mga Filipino na nangangailangan.
“Leadership by example ang nangunguna sa akin, ‘yung mga leadership principles. At kung ang isang leader walang moral ascendancy and he cannot practice what he preaches then it’s useless. So, napaka-importante ng leadership by example,” sabi ni Lacson.