TANGAN ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson ang lahat ng mga katangian at kaalaman para maging susunod na pangulo ng bansa at nangibabaw ito sa “The Filipino Votes: Presidential Debate 2022” ng CNN Philippines at University of Santo Tomas (UST) nitong Linggo, 27 Pebrero 2022.
Dumating si Lacson sa UST nang naka-Barong Tagalog, ilang oras bago magsimula ang debate.
Kasama sa mga tinalakay niya ang kanyang mga plano para sa susunod na anim na taon para resolbahin ang mga problema sa ekonomiya, kalusugan, edukasyon, pambansang seguridad at iba pa.
Simula pa lang ng debate ay ipinagmalaki na ni Lacson ang buong tapang niyang pakikipaglaban sa katiwalian sa loob ng kanyang higit 50-taong karanasan bilang pulis, sundalo, at mambabatas na kailanman ay hindi tumanggap ng suhol at umabuso sa mga pribilehiyong hatid ng kanyang posisyon.
Sa loob ng kanilang deka-dekadang panunungkulan sa gobyerno, handang-handa na si Lacson katuwang ang kanyang vice-presidential running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na pamunuan ang bansa at ibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa demokrasya.
Ang tambalang Lacson-Sotto ay nangangampanya tungo sa mabuting pamamahala, gabay ang kanilang mga mensahe na “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw.”