DINUMOG ng libo-libong tagasuporta ang naging proclamation rally nina presidential at vice presidential aspirants Ferdinand Marcos, Jr., at Sara Duterte sa Philippine Arena, sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 8 Pebrero.
Dinalohan ng iba’t ibang personalidad mula Luzon, Visayas at Mindanao ang programa na tinampukan ni Toni Gonzaga bilang host.
Nagsara ang mga entry at exit points sa North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa rami ng sasakyan na pumasok sa bisinidad ng Philippine Arena upang matunghayan ang proklamasyon nina Marcos Jr., at Inday Sara.
Nagsimula ang programa pasado 4:00 pm at isa-isang tinawag at pinagsalita ni Gonzaga ang senatorial line-up ng BBM-Sara Uniteam. Una ang ginang ni Gringo Honasan, na hindi nakarating sa okasyon, kasunod sina Gibo Teodoro, Sherwin Gatchalian, Migz Zubiri, Herbert Bautista, Harry Roque, Mark Villar, Larry Gadon, Loren Legarda na nagsalita via Zoom, Jinggoy Estrada, at Dante Marcoleta.
Tinawag ni Gonzaga sina Marcos bilang Tigre ng Ilocos Norte, at Duterte bilang Agila ng Davao na ipinagbunyi ng kanilang mga tagasuporta.
Naging panauhing pandangal din sa okasyon sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ang tumatakbong gobernador sa Bulacan na si Willy Alvarado, gayondin ang mga lokal na kandidato sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)