NAGWAKAS ang maliligayang sandali ng limang pinaniniwalaang mga talamak na tulak ng ilegal na droga nang mahulog sa mga ikinasang patibong ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 17 Enero 2022.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, nsakote ang limang suspek sa ikinasang bitag laban kanila ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga police stations ng Bocaue, Malolos, at San Miguel.
Kinilala ang mga suspek na sina Randolf Sabanal, alyas Weweng, ng Brgy. Tibagan, San Miguel; Richard Cahilig, alyas Pilay, at Joselito Legaspi, kapwa mula sa Brgy. Caingin, Bocaue; Girlie Santiago ng Brgy. Panasahan, Malolos; at Rodolfo Paraiso ng Brgy. Sto. Rosario, Malolos.
Nakompiska mula sa mga suspek ang 19 pakete ng hinihinalang shabu, cellphone, pouch, at buy bust money na ginamit na patibong sa operasyon.
Dinala ang mga nasakoteng suspek at nakompiskang mga ebidensiya sa Bulacan Forensic Unit para sa drug test at laboratory examination.
Ayon kay Ochave, patuloy na tutugisin ng Bulacan police ang mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga upang mailayo ang mga kabataan na malulong sa masamang bisyo. (MICKA BAUTISTA)