HINDI umubra ang 13 indibidwal na pawang mga pasaway sa lalawigan ng Bulacan nang isa-isa silang pinagdadampot ng pulisya sa operasyong ikinasa dito hanggang nitong Biyernes, 7 Enero.
Unang nasakote ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Obando, Pandi, at Sta. Maria MPS ang tatlong personalidad na sangkot sa krimen na kinilalang sina Ronaldo Sarmiento ng Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria; Joel Villarin ng Brgy. Siling Bata, Pandi; at Raymond Martin ng Brgy. Malanday, Valenzuela.
Nakompiska sa mga suspek ang 11 pakete ng hinihinalang shabu, candy box, motorsiklo, at buy bust money na ginamit sa operasyon.
Sumunod dito, nasakote rin ang tatlong iba pang mga suspek sa pagresponde ng mga pulisya sa Marilao, Meycauayan at San Jose del Monte sa iba’t ibang insidente ng krimen.
Kinilala ang mga suspek na sina Jericho Del Carmen ng Brgy. Guijo, San Jose del Monte na arestado sa kasong Theft; Benny Sy, isang Chinese National, residente sa Brgy. Patubig, Marilao sa paglabag sa RA 7877 (Anti-Sexual Harassment Act of 1995); at Ramil Munio, alyas Manero ng Bayugo, Meycauayan para sa kasong Physical Injury.
Nasukol rin ang pitong pugante sa magkakahiwalay na manhunt operations na isinagawa ng tracker teams ng Hagonoy, Obando, Pandi, Plaridel, Sta. Maria MPS at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) na kinilalang sina Celestina Maclang, alyas Cely, ng Brgy. Bagong Silang, Plaridel para sa kasong Estafa; Julius Aaron Delos Reyes, ng Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria sa paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children); Jeyhan Mariano, alyas Jing, ng Brgy. Guyong, Sta. Maria sa paglabag sa BP 22 (Anti-Bouncing Check Law); Eduardo Garcia, alyas Eddie ng Brgy. Mapulang Lupa, Pandi para sa Attempted Rape; at Dranreb Santos ng Brgy. Abulalas, Hagonoy sa kasong Qualified Theft.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station ang mga nadakip na akusdo para sa naaangkop na disposisyon. (M.B.)