NALAMBAT ng mga awtoridad ang pitong personalidad sa droga at walong pugante sa mas pinaigting na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Huwebes, 6 Ener0.
Sa ulat kay P/Col. Manuel Lukban, Jr., acting provincial director ng Bulacan PNP, nakorner ang pitong drug suspects sa ikinasang anti-illegal drug operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Hagonoy MPS, Marilao MPS, at Meycauayan CPS.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Michael Nicola, alyas Mike, ng Brgy. Sto. Niño, Hagonoy; Jerry Cruz, ng Brgy. Lawa, Meycauayan; Arnold Talastas, Jr., ng Brgy. Biñan 2nd, Bocaue; Reynaldo Dizon, alyas Rey ng Brgy. Taal, Bocaue; Spencer Cariño ng Bgry. San Juan, Balagatas; Michael Napa, alyas Pilay, at isang kinilalang Mark, kapwa ng Brgy. Lambakin, Marilao.
Nakompiska mula sa mga suspek ang kabuuang 10 pakete ng hinihinalang shabu, 14 pakete ng tuyong dahon ng marijuana, at buy bust money na dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa angkop na pagsusuri.
Nasukol rin ang walong pugante sa manhunt operations na inilatag ng tracker teams ng Bocaue MPS, Bustos MPS, Malolos CPS, Meycauayan CPS, San Miguel MPS, mga element0 sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Plaridel MPS, at San Jose del Monte CPS.
Kinilala ang mga suspek na sina Rosabell Joson ng Brgy. Pulong Bayabas, San Miguel; Conchita Alcantara, alyas Chit ng Brgy. Cambaog, Bustos, kapwa inaresto sa paglabag sa BP 22 (Anti-Bouncing Check Law); Rodel Dela Cruz ng Brgy. Lolomboy, Bocaue para sa Other Light Threats at Malicious Mischief; Maribel Genese ng Brgy. Lumang Bayan, Plaridel sa paglabag sa RA 7610 (Anti-Child Abuse Law); James Subrado, alyas Jojo ng Brgy. Iba, Meycauayan para sa tatlong bilang ng kasong Acts of Lasciviousness; Lester Kyle Fernandez, alyas Buboy ng Brgy. Bahay Pare, Meycauayan para sa Resistance and Disobedience to a Person in Authority; Marvin Baliño ng Brgy. Lawang Pare, San Jose del Monte; at Marita Castro ng Brgy. San Vicente, Malolos para sa Qualified Theft.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station ang mga suspek para sa naaangkop na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)